Pinoys sa buong mundo ang susuporta kay Pacquiao
Kagaya ng kanyang mga nakaraang laban, inaasahang muling makakakuha ng solidong suporta si Manny Pacquiao mula sa mga Pinoy sa buong mundo sa kanyang laban kay Oscar Dela Hoya sa Disyembre 6 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.
Ito ang nakikitang mangyayari ni Richard Schaefer, Chief Executive Officer (CEO) ng Golden Boy Promotions, kaugnay sa Pacquiao-Dela Hoya non-title welterweight fight.
“Manny Pacquiao is a national hero in the Philippines,” ani Schaefer. “He will be carrying the hopes of the nation on his shoulders. The whole country of the Philippines will be behind him, supporting him.”
Sa kickoff pa lamang ng ‘Dream Match’ sa Statue of Liberty sa New York noong Oktubre 1 ay libu-libo nang Filipino fans ang nagparamdam ng kanilang supoprta sa 29-anyos na si Pacquiao.
Matapos sa New York, sinundan rin ng mga Pinoy ang naturang six-city tour nina Pacquiao at Dela Hoya sa Sears Tower sa Chicago, sa Space Center sa Houston, sa The Alamo sa San Antonio at sa Whittier Boulevard Arch sa Los Angeles.
“Araw-araw din ang pagtakbo ko sa patag upang madevelop ang aking speed at aakyat na rin kami sa Griffith Park kung saan makikita ang malaking HOLLYWOOD sign sa Hollywood,” ani Pacquiao. “Sa bundok ng Hollywood ko palalakasin ang aking baga at paa upang hindi ako mahapo sa araw na ng boksing at lalong gaganda ang ating tsansa na maipanalo ang pinakamalaking laban ng ating buhay.”
Kung ang mga Filipino fans ang magdadala kay Pacquiao, ang mga American at Mexicans supporters naman ang magpapalakas ng loob ng 35-anyos na si Dela Hoya, ayon kay Schaefer.
“Oscar will do his best to represent his heritage,” sabi ni Schaefer kay Dela Hoya, ang six-division world champion. “Anyone who has seen Oscar’s fights and anyone who has seen Pac Man’s fights won’t be disappointed.”
Karagdagang 33,000 tickets pa ang ilalatag ng Golden Boy at Top Rank Promotions para sa mga manonood sa Closed Circuit television, dagdag ni Schaefer. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending