Ang pagtatayo ng isang national pool na kabibilangan ng 15 hanggang 18 PBA players ang siyang binabalak na gawin ng bagong National head coach na si Yeng Guiao para sa 2009 FIBA-Asia Men’s Championships sa China.
Ayon kay Guiao, ang naturang mga manlalaro ay personal niyang huhugutin mula sa 10 PBA teams at hindi na kinakailangan pang dumaan sa tryouts.
“Ang binabalak ko ay mabilisan at maikliang selection process,” wika ni Guiao kahapon. “Mag-name tayo ng 15 to 18 players at ‘yon na ‘yung pool natin. From then on until ‘yong tournament, doon na lang tayo maglalaro kung sino ‘yung mga ilalagay natin sa official line-up.”
Ang 2009 FIBA-Asia Men’s Championships ang siyang qualifying tournament para sa 2010 World Basketball Championships sa Turkey.
Kung nagdaos ng tryouts si dating national mentor Chot Reyes para sa komposisyon ng RP Team noong nakaraang taon, hindi ito gagayahin ng 49-anyos na si Guiao, nagsilbi bilang assistant ni Derick Pumaren sa RP Youth Team noong 1989 at 1990, ang ikaanim na coach sa isang PBA-backed squad makaraan sina Robert Jaworski Sr. (1990 Asian Games), Norman Black (1994 Hiroshima Asian Games), Tim Cone (1998), Jong Uichico (2002) at Reyes (2007 FIBA-Asia Men’s Championship).
Sinabi ni Guiao na ang tryouts ang pinakaayaw niyang proseso sa pagpili ng mga bubuo sa kanyang koponan.
“Hindi na tayo magko-conduct ng tryouts. Ang tingin ko kasi sa tryouts masyadong tidious ‘yan and at the same time alam naman natin ‘yung mga klase ng talent meron itong mga players natin. And a lot of them have nothing to prove,” ani Guiao. “Para ipa-tryout ko pa ‘yan at hingan ng performance, eh palagay ko all these years ‘yung nakita nating performance nila ay sapat na.”
Sa 2007 FIBA-Asia Men’s Championship, tumayong qualifying meet para sa 2008 Beijing Olympic Games sa China, tumapos ang RP Team ni Reyes bilang ninth-placer. (Russell Cadayona)