JRU FINALIST NA

Nakabalik din sa wakas sa finals ang Jose Rizal University habang naipuwersa naman ng Mapua ang sudden-death game laban sa defending champion San Beda College sa dalawang mainit na Final Four matches ng NCAA seniors basketball tournament sa Cuneta Astrodome kahapon.

Matapos ang pitong taon, muling tumuntong sa finals ang JRU Heavy Bombers matapos ang 63-61 come-from-behind win kontra sa Letran College.

Isang lay-up ang ikinamada ni JR Sena sa huling 31 segundo ng labanan habang isang krusyal na supalpal naman ang isinagawa ni John Wilson kay RJ Jazul sa huling tatlong segundo ng labanan matapos mabaon ng double digits sa labanang ito.

Ito pa lamang ang ikatlong finals appearance ng Jose Rizal sa loob ng 36 taong pagkampanya sa NCAA.

Nakahirit naman ang Mapua ng do-or-die match na gaganapin sa Lunes sa Astrodome din, laban sa SBC Red Lions matapos hatakin ang 53-51 panalo.

Huling nakarating sa finals ang Heavy Bombers noong 2001, kung saan natalo sila sa San Sebastian. Nakopo naman nila ang titulo noong 1972 noong panahon ni PBA MVP Philip Cezar.

Show comments