Kung sa taas na 5-foot-7 ay nagawa ni Steve Forbes na pahirapan ang 5’10 1/2 na si Oscar Dela Hoya, magagawa rin ito ng 5’6 na si Manny Pacquiao.
Ito ang paniniwala ni American trainer Freddie Roach kaugnay sa pagkikipagharap ng 29-anyos na si Pacquiao sa 35-anyos na si Dela Hoya sa isang non-title welterweight fight sa Disyembre 6 sa MGM Grand sa Las Vegas.
Matatandaang umiskor si Dela Hoya ng isang unanimous decision sa kanilang 12-round light welter-weight bout ng 31-anyos na si Forbes noong Mayo 3.
“After seeing what Steve Forbes could do to Oscar, imagine what Manny would do,” ani trainer Freddie Roach. “Forbes is a good fighter but he doesn’t hit as hard as Manny.”
Taliwas sa pahayag ni Roach, naniniwala si Forbes na malaking bagay ang height at reach advantage ni Dela Hoya, isang world-six-division champion, laban kay Pacquiao, naghari sa flyweight, super bantam-weight, super featherweight at lightweight divisions.
“Oscar is too big for him,” ani Forbes, ang huling boksingerong nakalaban ni Dela Hoya, kay Pacquiao. “Manny is a great fighter but he doesn’t fight anything like me. He darts in and out. I’m a slick defensive fighter.” (Russell Cadayona)