Ikawalong sunod na panalo target ng Ateneo
Tangka ng Ateneo De Manila University ang ikalawang sunod na panalo sa pakikipagharap sa University of Santo Tomas sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 71st UAAP men’s basketball championships sa PhilSports Arena.
Alas-4:00 ng hapon ang sagupaan ng Blue Eagles at ng Growling Tigers bilang tampok na laro habang mauunang maglalaban ang Far Eastern University at ang Adamson University sa alas-2:00 ng hapon.
Taglay ng Ateneo ang nangungunang record na 7-1 panalo-talo mula sa 78-74 pamamayani sa FEU Tamaraws noong Sabado na sinusundan ng De La Salle University na may 7-2 win-loss slate.
Magmumula rin ang Santo Tomas sa panalo mula sa Falcons, 97-83 na nagsulong sa kanila sa 4-4 kartada.
Sa pambungad na laro, sisikapin ng Far Eastern at ng Adamson na makabangon mula sa kani-kanilang pagkatalo.
Ang Tamaraws ay may 5-3 record habang ang Falcons naman ay may dalawang panalo pa lamang sa walong laro na bahagyang nakaka-angat sa mga kulelat na National University at University of the Philippines na tabla sa 2-7 kartada.
Mangunguna sa Ateneo sina Chris Tiu, Eric Salamat, Rabeh Al-Hussaini, Nonoy Baclao at rookie Ryan Buenafe na tatapatan naman nina Jervy Cruz, Dylan Aba-bou, Francis Allera, Mark Canlas at rookie Jeric Fortuna ng Uste. (Mae Balbuena)
- Latest
- Trending