Nasira ang malinis na record ng Letran College at ngayon kailangan nilang magsimula uli sa pagbubukas ng ikalawang round ng eliminasyon sa 84th NCAA men’s basketball tournament na magpapatuloy sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Haharapin ng Letran Knights ang College of St. Benilde sa unang seniors game sa alas-2:00 ng hapon pagkatapos ng sagupaan ng kanilang junior counterparts sa opening ng juniors game sa alas-11:30 ng umaga.
Ipinagkait ng San Beda College sa Letran ang sweep matapos ang 67-71 panalo noong Miyerkules.
Gayunpaman, nangunguna pa rin ang Knights sa kanilang 6-1 win-loss record kasunod ang defending champion San Beda Red Lions na may 5-2 katabla ang Jose Rizal University.
Sa ikalawang seniors game, maghaharap naman ang San Sebastian College at ang Philippine Christian University sa alas-4:00 ng hapon.
Pinapaborang manalo ang SSC Stags sa taglay na 3-4 kartada kung saan katabla nila ang CSB Blazers kasunod ang PCU Dolphins na nangungulelat kapareho ng University of Perpetual Help Dalta System sa 1-6 record.
Hangad naman ng CSB Blazers na makabangon mula sa tatlong sunod na kabiguan para hindi masayang ang panalong ibinigay sa kanila ng NCAA Management Committee nang paboran sila sa kanilang protesta sa pagkatalo sa San Beda kung saan maling uniporme ang isinuot ni Sam Ekwe.
Para sa Letran, naririyan sina RJ Jazul, Rey Guevarra, Dino Daa, Kojack Melegrito at John Foronda na tatapatan naman nina Jeff Morial, Archie David, Jacob Manlapaz, Chuck Dalanon at Angelo Montecastro ng Blazers.
Hangad naman ng Stags na makapaglista ng ikatlong sunod na panalo na ang huli ay ang 65-48 paglampaso sa Blazers sa pakikipagharap sa Dolphins na nais namang makabangon sa 58-60 pagkatalo sa Heavy Bombers. (Mae Balbuena)