BEIJING – Dumating dito ang malaking bulto ng Team Philippines na mataas ang morale at kumpiyansa, tatlong araw bago ang pormal na pagbubukas ng 2008 Beijing Olympics.
Pinangunahan ni RP Chef de Mission Monico Puentevella ang Filipino contingent na binubuo ng 11 athletes at tatlong top sports officials, na dumating sa Chinese capital na ito sa alas-11:30 ng umaga matapos ang apat na oras na biyahe mula sa Manila sakay ng Philippine Airlines.
Sinalubong ni Philippine Olympic Committee (POC) spokesperson Joey Romasanta ang delagasyon sa airport. “All were accounted for. Walang problema sa biyahe. Athletes were looking fine and in great shape,” aniya.
Ang mga atletang kasama sa grupo ay sina boxer Harry Tañamor, swimmers Miguel Molina, James Walsh, Joan Christel Simms, Ryan Arabejo at Daniel Coakley, divers Sheila Mae Perez at Ryan Rexel Fabriga, weightlifter Hidilyn Diaz at long jumpers Marestella Torres at Henry Dagmil.
Kasama naman ni Puentevella sina shooting association president Art Macapagal, POC secretary-general Steve Hontiveros at Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) president Manny Lopez.
“Ok naman po ang panahon. Parang sa Pilipinas din, mainit,” wika ng 30-gulang na si Tañamor, isa sa inaasahang makakapag-uwi ng Olympic gold medal.
Matapos ang 20-minute ride, nag-check-in ang grupo sa Olympic Village kung saan sinalubong naman sila ni RP administrative official Moying Martelino.
Tanging sina taekwondo jins Antoinette Rivero at Tshomlee Go na lamang ang wala pa dito dahil sa August 11 ang kanilang alis.
Nauna na rito sina Archer Mark Javier at shooter Eric Ang.
May aalis na grupo bukas kung saan kabilang sina President Gloria Macapagal-Arroyo, First Gentleman Mike Arroyo, POC president Jose “Peping” Cojuangco, Jr., PSC chairman William “Butch” Ramirez at world four-division champion Manny Pacquiao.