Maliban sa mga cash incentives, isang magarang sasakyan rin ang maaaring makuha ng magiging kauna-unahang Filipino Olympic gold medalist mula sa darating na 29th Olympic Games sa Beijing, China.
Pormal na inihayag kahapon ng Philippine Sports Commission (PSC) at ng Toyota Balintawak ang paglalatag sa isang Toyota Vios, nagkakahalaga ng P575,000, bilang insentibo para sa national athlete na makakapag-uwi sa pinapangarap na kauna-unahang Olympic gold medal.
“What we want to do here is to inspire our Olympians, kaya we’re going to give Toyota Vios to the one who will win the gold medal,” wika ni Cosco Oben, nagtataguyod ng Toyota Sparks sa Philippine Basketball League, ng Toyota Balintawak katuwang ang JB Sports.
Sakaling walang makakuha ng kauna-unahang Olympic gold medal, sa atletang unang makakasikwat ng silver medal ang makakatanggap ng Toyota Vios.
Umabot na sa P15 milyon ang nakalaan para sa magiging kauna-unahang Olympic gold medal winner matapos mangako ng P4.5 milyon si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa idinaos na courtesy call sa Malacañang noong Miyerkules.
“Malaki ang chances na makukuha ang Vios na iyan,” sabi ni PSC chairman William “Butch” Ramirez. “We have to believe in these 15 athletes dahil sila ang lalaban sa 2008 Beijing Games.” (Russell Cadayona)