Gabica, babandera sa Pinas sa Guinness 9-Ball tour

Pangungunahan nina Antonio Gabica, runner-up sa Genting, Joven Bustamante, runner-up sa Chinese Taipei leg at ng bagitong si Jericho Bañares ang kampanya ng Filipinos para sa ikaapat na yugto ng sixth-city Guinness 9-Ball Tour 2008 kung saan magiging punong abala naman ngayon ang Singapore  sa Velocity @Novena Square mula July 25-27.

Itatalaga naman ngayong linggo ang pangalan ng ikaapat na miyembro ng koponan. Huling nanalo ang Filipinos sa nasabing Tour noong 2006.

Itataya ng defending Grand Finals champion na si Chang Jung-Lin, na komopo ng unang tatlong leg ngayong taon sa Chinese Taipei, Penang at Genting Highlands, ang kanyang malinis na track record laban sa mga mahuhusay ring tumbukero  sa Asia para sa karangalan.

Si Chang, na nilampasan na ang record ng ‘maalamat’ na si Efren ‘Bata’ Reyes, ang babandera sa kampanya ng Chinese Taipei na binubuo ng 2007 Singapore leg winner Yang Ching--Shun, 2008 Penang leg runner-up Wang Hung-Hsiang at 2005 WPA World Pool Champion na si Wu Chia-Ching.

Sasandig naman ang host Singapore sa kanilang flag-bearers na si Chan Keng Kwang, ang 2005 SEA Games 9-Ball gold medalist, Toh Lian   Han at Tour first-timer na si Ben Zhang.

Show comments