Dinomina ng walang talong Philippine Star ang 1st Prospero Pichay Cup basketball tournament matapos na itakas ang 75-69 panalo laban sa Far Eastern Surety & Insurance Inc. sa championship game na idinaos noong Miyerkules ng gabi sa San Andres Gym sa Manila.
Ito ang ikatlong dikit na korona ng Starmen ngayong taon, matapos na maunang sikwatin ang titulo sa Corpball at MPG tournaments.
Sa simula pa lang ng laban ay mainit na ang Starmen, tinapos ang anim na linggong kompetisyon sa imakuladang 9-0 win-loss slate, nang itarak agad ang 12 puntos na abante sa halftime, 42-30.
Pero sa huling walong minuto bahagyang nanlamig ang Star team na siyang sinamantala naman ng FESI kung saan umbante pa ito sa 58-57 mula sa follow-up basket ni Champ Alastre.
Ngunit agad ding nakarecover ang Starmen ng sila naman ang maghulog ng 13-0 bomba na tinampukan ng tig-limang puntos nina Ver Roque at Dennis Rodriguez upang muling ilayo ang bentahe sa 70-58 may 3:26 ang nalalabi sa laro.
Pinangunahan ni Roque, siya ring nahirang na MVP ang STAR sa kanyang tinapyas na 20 puntos, 12 nito ay mula sa three points area.
Nag-ambag naman sina Rodriguez ng 19 puntos at 10 naman ang kay Gio Coquilla para sa Star team, habang sa FESI si Romeo Fotue ang nanguna na may 19 puntos.
Naisubi naman ng Philippine National Police ang 3rd place matapos na maungusan ang Polymaster Industrial, 84-81.