Swimmer Teofilo Yldefonso sa Hall of Fame

Matapos ang ilang dekada, mapapasama na rin ang pangalan ni Filipino swimmer Teofilo Yldefonso sa international swimming Hall of Fame.

Inihayag kahapon ni Philippine Amateur Swimming Association (PASA) president Mark Joseph ang pagluluklok kay Yldefonso, ang tanging Filipino athlete na nag-uwi ng dalawang Olympic medals, sa nasabing Hall of Fame bago matapos ang Mayo.

 “Teofilo Yldefonso will be elevated to the international swimming Hall of Fame within this month at Florida,” wika ni Joseph sa tubong Piddig, Ilocos Norte. “He will be installed with the likes of Mark Spitz and some swimmers who are known worldwide.”

Si Yldefonso ang siyang nagpakilala sa tinatawag na ‘modern breaststroke’ noong 1932 Summer Olympics sa Los Angeles, California.

Sa nasabing edisyon ng quadrennial event, lumangoy si Yldefonso ng tiyempong 02:48.04 upang makuha ang bronze medal sa men’s 200-meter breaststroke event.

Tanging ang mga kapamilya na lamang ni Yldefonso, namatay noong Hulyo 19, 1943 sa concentration camp mula sa pagiging scout ranger matapos mapasama sa bantog na “Death March” sa Bataan, ang makakadalo sa naturang okasyon sa Florida, dagdag ni Joseph.

Unang nakuha ang medalya ni Yldefonso, tinaguriang “The Ilocano Shark”, noong 1928 Olympics sa Amsterdam sa The Netherlands. (RCadayona)

Show comments