Walang kawala kay Valenzuela
BAGUIO CITY — Inireserba ni Irish Valenzuela ang kanyang lakas sa kapatagan bago niya ibinuhos ang lahat sa akyatan upang pagharian ang Liquigaz Race To The Lion’s Head kahapon na nagsimula sa Quezon Memorial Circle at nagtapos sa Burnham Park dito.
Kumawala si Valenzuela sa lead pack papasok sa final 38 kilometers at napanatili niya ang kanyang distansiya sa akyatan ng 247-kilometer, Manila-Baguio City massed start race para magrehistro ng oras na six hours, 47 minutes at 57 seconds.
Kumalas si Valenzuela mula sa 8-man head group kasama sina Enrique Domingo at Joseph Millanes sa Kennon road bago nakaungos sa lion’s head, may 12 kilometers papasok sa finish line para sa P10,000 individual prize.
“First time ko ito kaya gusto kong ipakita na kaya kong tapusin,’’ sabi ni Valenzuela, ang 2006 Padyak Pinoy rookie of the year at isa sa promising cyclists ng national team. “Kasama ako sa lead pack at ‘nung nakakita ako ng pagkakataon, sinamantala ko na,” dagdag pa ng second runner-up ng Padyak Pinoy noong nakaraang taon.
Hinatak ni Valenzuela na tinanghal ding King of the Mountains para sa P5,000 pemyo, ang kanyang team na kinabibilangan nina Renier Clauna, Oscar Rendole, Allan Ricafort, Anthony Miranda, John Ricafort, Edward Nardo at Mark Montemayor sa team title para sa P75,000 premyo. Pumangalawa si Clauna (6:49.30) at third si Joel Calderon (6:49.43).
- Latest
- Trending






















