May magandang naghihintay kina Batawang at Mayol
May naghihintay pang pagkakataon para sa 36-anyos na si Bert Batawang at sa 26-anyos na si Rodel Mayol.
Ito ay matapos umiskor si Batawang ng isang fourth-round TKO kay Thai warrior Samransak Singmanassak para makuha ang bakanteng World Boxing Organization (WBO) Oriental light flyweight title sa Cebu City Coliseum noong Linggo.
Isang fifth-round TKO naman ang tinipa ni Mayol laban kay Thai fighter Wisan Sor Suchanya sa isa pang light flyweight fight.
Sina Batawang at Mayol ay kapwa natalo sa kani-kanilang title shot kay Mexican International Boxing Federation (IBF) light flyweight champion Ulises ‘Archie’ Solis noong nakaraang taon.
Itinaas ni Batawang, nanggaling sa isang seventh-round TKO kay Heri Amol ng Indonesia noong Abril 6 sa Araneta Coliseum, ang kanyang win-loss-draw ring record sa 52-7-0 kasama ang 36 KOs, at nahulog ang baraha ni Singmanassak sa 32-19-1 (26 KOs).
Isang right straight ni Batawang ang nagpabagsak kay Singmanassak na nagpilit pang bumangon bago ihinto ni referee Severino Necesario ang nasabing laban.
Ibinabandera ni Mayol, nauna nang pinabagsak si Suchanya sa second round ang 23-3-0 (18 KOs) slate kumpara sa 9-7-1 (2 KOs) ng Thai fighter. (RCadayona)
- Latest
- Trending






















