PUERTO PRINCESA, Palawan - Nasweep ng National Capital Region ang elementary at secondary championships sa Palarong Pambansa, at sinelyuhan nila ang dominasyon sa kanilang gold medal romp sa basketball sa pagtatapos ng aksiyon sa Ramon V. Mitra, Jr. Sports Complex dito kahapon.
Tinalo ng NCR cage squad ang Calabarzon, 70-55, habang pinabagsak naman ng girls’ volleyball team ang Western Visayas, 25-21, 25-23, 26-24.
Komopo ang NCR ng kabuuang 375 points, kabilang ang 50 sa basketball at girls’ volleyball upang lukuban ang paghataw ng Western Visayas sa final day sa pagkopo ng fourth straight overall championship.
Nakopo rin ng NCR ang elementary overall title sa ikalawang sunod na taon sa inaning 263-puntos, upang igupo ang Western Visayas na may 217.5 at Calabarzon na may 203.5.
Pinangunahan naman ng Region VI ang kanilang paboritong sport na football sa dramatikong 1-0 victory na nadesisyunan sa penalty shootout. Tinalo naman ng WV ang Calabarzon ng dalawang beses, 6-4 at 1-0, para sa ika- 14 sunod na softball gold.
Umani ang Western Visayas ng 210.67 points para sa second overall, kasunod ang Calabarzon, na may 205.67 points.
Tumapos ang Central Visayas bilang fourth na may 127.17, kasunod ang Central Luzon na may 77.17, Davao Region na may 75.5. Cotabato Region, host Mimaropa, Cordillera Administrative Region at Northern Mindanao.
Humataw din ang NCR sa boys’ athletics, salamat sa troika ng second-generation track stars na kinabibilangan nina Isidro del Prado Jr., Jose Renato Unso at Justin Tabunda gayundin ang boys at girls swim teams.
Si Del Prado, ang 16-anyos na anak ng former two-time Olympian na si Isidro del Prado, Sr., ang Most Outstanding Athlete sa secondary boys at si Vienna Mae Banebane ng Western Visayas ang best performer sa girls’ side.
Kabilang sa top 10 ng elementary division ay ang Central Visayas (140), Central Luzon (78.5), Northern Mindanao (47.5), Cotabato Region (45.5), Ilocos (45), Davao (27) at Mimaropa (25).(J. Villar)