Pinagsamang pamana

Naglalaway na ang maraming manonood ng NBA, dahil mukhang magkakatutoo na ang pinapangarap nilang panunumbalik ng pinakamakasaysayang pagtutunggali sa kasaysayan ng professional basketball. Bagamat magaganda ang mga nagaganap na serye, at ang ilang laro ay humantong pa sa overtime o double overtime, iisa ang inaabangan ng mga tao.

Ang paghaharap ng Los Angeles Lakers at Boston Celtics sa Finals.

Tapos na ang panahon nang ang mga NBA players ay namamalagi sa iisang team sa kabuuan ng kanilang mga career. Kaya ngayon, ang bagong lipat na si Kevin Garnett ay pinalaya sa pagkabilanggo sa Minnesota upang pangunahan ang Celtics. Sa West naman, nag-empake si Pau Gasol mula Memphis patungong Los Angeles upang alalayan si Kobe Bryant.

Ano ang ibig sabihin ng isang Boston-LA Finals para sa NBA?

Una, malaking pera para sa liga. Mahigit dalawampung milyong dolyar ang kikitain ng liga para sa bawat laro sa Finals. Mula pa ito noong panahon ni Michael Jordan. Kaya’t di mapalagay ang mga pinuno ng liga tuwing tinatapos ng maaga ni Jordan ang mga Finals series ng Chicago Bulls.

Pangalawa, walang tatapat sa haba ng kasaysayan ng dalawang koponan.

Noong nag-umpisa ang pro basketbol sa Amerika, si George Mikan ng dating Minneapolis Lakers ang unang kinatatakutang sentro. Pero  mga ligang pinagbidahan ng mga puti, walang koponang puputi pa sa Boston.

Pagkatapos noon, naging panahon ng atletang itim. Ang Boston Celtics ang nakipag-unahan upang kumuha ng kauna-unahang black player, at naging unang koponan na gumamit ng isang African-American coach, si Bill Russell. Noong panahong iyon, tila laging ang Celtics ang nananalo, hanggang sa nahinog na ang Lakers sa pamumuno ni Jerry West at Wilt Chamberlain.

Pangatlo, karugdong ito ng kasaysayang iyon. Naaalala pa ng mga tao ang magkaribal na Magic Johnson at Larry Bird, dalawang player na napakalayo ng pagkatao, subalit parang kambal sa napakaraming bagay.

Noong 1980’s, walo sa sampung kampeonato sa dekada ay nakuha ng Lakers (5) at Celtics (3).

Noong dumating sa LA si Shaquille O’Neal, muling nagkaroon ng de kalidad na sentro ang Los Angeles, tulad ni Mikan, Wilt Chamberlain at Kareem Abdul-Jabbar. Pero naglaho rin ang pagsasamang iyon. Subalit ang tanong sa mga nakarang taon, saan naman ang Boston? Nag-iisang pumapalag sa sitwasyon si Paul Pierce.

Ngayon, parang niluluto ng NBA na buhayin ang tambalang Los Angeles-Boston. Pag nangyari ito, muling lulundag ang ratings ng liga.

Show comments