Sa ikatlo at pinakabagong commercial ad ng Nike Sports, isa lamang si Filipino boxing superstar Manny Pacquiao sa 10 top athletes sa buong mundo na pinili, ayon kay American trainer Freddie Roach.
Ibinilang ang 29-anyos na si Pacquiao sa hanay nina basketball superstar Kobe Bryant, football star Cristiano Ronaldo, tennis players Roger Federer, Maria Sharapova at athletics gem Xiang Liu.
Ang bagong World Boxing Council (WBC) super featherweight champion ang kauna-unahang Filipino na naging Nike endorser.
Unang inendorso ni Pacquiao ang nasabing sports apparel noong 2006 para sa Fortune 500 sports giant na “Ang Mamatay nang Dahil Sa‘Yo” kasunod ang “Fast Forward” na nagpakita sa kanyang routine training.
Ang ikatlong tv ad ng tubong General Santos City na unang isinaere sa Pilipinas at sa Hong Kong ay ginawa sa Wild Card Boxing Gym ni Roach sa Hollywood, California.
Kamakailan ay ibinunyag ni Pacquiao, nakatakdang hamunin si Mexican-American WBC lightweight titlist David Diaz sa Hunyo 28 sa Mandalay Bay Resort & Casino sa Las Vegas, Nevada, ang paglalabas ng kanyang ikaapat na Nike commercial kasama sina Bryant at golf star Tiger Woods.(Russell Cadayona)