Maganda din ang simula ni Gomez

Mainit ang simula ni Roberto Gomez, ang 2007 World Pool Championship runner-up sa 2008 World 8-Ball Championship, nang kanyang igupo si South African Craig Bouwer, 8-4 kagabi sa Amir Billiards Club sa Fujairah City, United Arab Emirates.

Naging magaan ang panalo ni Gomez,  runner-up din kay Dennis Orcullo sa 9-ball tourney noong nakaraang buwan, kay  Bouwer at isang panalo na lamang ang kanyang kailangan sa Group D para makapasok sa 32-man knockout stage.

Tangka ng Zamboanga City pride ang outright entry sa knockout stage sa pakikipagharap kung sino man ang mananalo sa Shane Van Boening-Kaven Zarakani match na naglalaban pa habang sinusulat ang balitang ito.

Naglalaro pa rin ang mga kagrupo ni Gomez na sina Japanese Satoshi Kawabata, Canadian Francis Crevier, Qatari Fahad Mohammadi at local bet Farhad Shaverdi.

Nanalo sina defending champion Ronnie Alcano at Elvis Calasang sa kanilang opening matches noong Biyernes.

Magaan ding panalo ang itinala ni Alcano sa di kilalang kalaban na si Carlos Talavera sa kanyang 8-1 pananalasa sa Guatemalan sa Group A kamakalawa.

Pinarisan naman ni Calasang ang tagumpay ni Alcano nang magtagumpay ito sa kanyang opening game sa Group B nang kanyang pasadsarin si  South Korean Ryu Seuong Woo, 8-6.

Makakasagupa ni Calasang, isang house pro at pool instructor sa Middle East at member din ng Philippine Billiard Development Foundation (PBDF), si Au Siu Wai ng Hong Kong sa susunod na round.

Nanalo rin sa kanilang opening matches  ang mga kagrupo ni Calasang na sina Gabriele Cimmino ng Italy at Marcus Western  ng Germany.

Show comments