Napili sina dating world champion Alex Pagulayan at dating world No. 1 Francisco ‘Django’ Bustamante bilang kinatawan ng bansa sa 2008 PartyPoker.net World Pool Masters, na gaganapin sa Mayo 9 sa Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Ang dalawang pambato ng bansang Pinoy cue masters ay pinili ng organizing Matchrom Sports para lumaban sa event, na isa sa pinakaprestihiyosong kompetisyon sa kalendaryo ng pool.
Makakasama nina Pagulayan at Bustamante ang 18-year-old Taiwanese sensation na si Ko Pin Yi bilang tanging Asyanong lalahok sa mahigpitan na tatlong araw na torneo na magbibigay ng kabuuang $62,000 (P2.48-million), kabilang na ang halagang $20,000 (P800,000) sa magka-kampeon.
Makakalaban nila ang 13 pang ibang world class pool masters sa pangunguna nina defending champion Thomas Engert ng Germany, reigning World Pool champion Daryl Peach ng England.
Ang iba pang naimbitahan ay sina dating world titlists Mika Immonen ng Finland at Ralf Souquet ng Germany, kasama ang mga kababayang sina Christian Reimering, Tony Drago ng Malta, Niels Feijen ng Netherlands, Bruno Muratore ng Italy, Mark Gray at Imran Majid ng England, at Shane Van Boening, Rodney Morris at Corey Deuel ng United States.