Napawi ang ngiti sa Hapee

Bumalik ang pangkampeonatong porma ng Harbour Centre nang kanilang durugin ang Hapee Toothpaste, 73-59 upang hatakin sa winner-take-all match ang PBL V-Go Extreme Energy Drink Cup finals na nagpatuloy sa Rizal Memorial Coliseum kahapon.

Bumawi sina Edwin Asoro, Dylan Ababou, Al Vergara at TY Tang sa kanilang malamyang performance sa Game-One upang ipalasap sa Complete Protectors ang kauna-unahang pagkatalo sa torneong ito.

Nagbida ang 6-foot-3 na si Asoro sa ikatlong quarter at isinelyo ni Ababou ang panalo sa pagkamada ng anim na sunod na puntos para putulin ang 12-game winning run ng Complete Protectors.

Tumapos si Asoro ng career-high 20 points habang tumapos sina Tang at FilAm Solomon Mercado ng 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.

Ngunit naging susi ng panalo ng mga Batang Pier ay ang kanilang mahusay na depensa kay Reed Juntilla  upang itabla ang best-of-three series sa 1-1 panalo-talo at nagkait sa Hapee ng pagkakataong makapagtala ng kasaysayan bilang tanging team na mananalo ng championship na undefeated.

Ang deciding Game-Three ay ngayong alas-3:00 ng hapon sa Rizal Coliseum din.

Kung magtatagumpay ang Port Masters, isa rin itong kasaysayan dahil sila lamang ang makakapagtala ng apat na sunod na championships na di nagawa ng mga dominanteng teams na Stag at Welcoat. (MBalbuena)

Show comments