BANGKOK-- Sa isang pinakamasamang break sa kanyang career, nasa tamang target, mahusay na rhythm at momentum si Nathaniel ‘Tac’ Padilla, ngunit hindi naman kumasa ang kanyang baril sa krusiyal moment ng kanyang laban.
Dalawang beses pumalso ang Italian-made Pardini ni Padilla sa unang bahagi ng 60-shot rapid rife competition, at tuluyang gumuho ang pag-asang makukuha uli ang glorya sa Southeast Asian Games.
Hindi maganda ang ikaapat na araw para sa RP shooters nang magtapos na pang-anim ang RP men’s rifle 50m rifle prone team nina Eddie Tomas, Edwin Fernandez at Rocky Pardilla mula sa pitong lahok.
Nagtapos si Pardilla, na dinamdam ang ear infection, na pinakamasamang scorer sa mga Pinoy bets sa kanyang 569--18th mula sa 21 na kalahok.
Ngunit pinakamasamang nangyari pa rin ang kay Padilla.
“It hurt because I prepared hard for this,” wika ni Padilla nang makabalik sa composure matapos ang masamang laro.
Hindi nakasama sa final round ang dating 4-time SEAG rapid fire gold medalist nang umiskor lamang ito ng 538 sa qualifying, may 20 (mula sa posibleng 50) sa unang six-second series sa final half kung saan pumalya ang kanyang baril sa ikalawang pagkakataon.
“This incident rarely happens. It’s so unfortunate it happened to Tac here. I can’t remember a worse break Tac ever had,” wika ni Donald Padilla, nakatatandang kapatid ni Tac na siya ring secretary-general ng Philippine shooting federation.
Hindi rin maganda ang ipinutok ni Robert Donalvo, isang marine master sergeant, na may 97-95-69-92-93-72 para sa 518.
Umayaw naman si Carolino Gonzales sa rapid fire kaya hindi nakakuha sa team event ng Pinas na pinagharian ng Malaysia kasunod ang Vietnam at Thailand.
Gamit ang ibang baril susubukan ni Padilla ang center fire event ngayon kasama sina Donalvo at Gonzales.