Sharks, Dolphins pasok sa semis

Pinataob ng Manila Sharks at Cebu Dolphins ang kanilang magkahiwalay na kalaban kahapon upang masiguro ang kanilang pagpasok sa semifinals ng kani-kanilang division sa Baseball Philippines Series II sa Rizal Memorial ballpark.

Sa unang laro, dinurog ng Manila Sharks ang Marikina Shoe Makers, 11-5 at pinataob ng Cebu Dolphins ang Dumaguete Unibike, 8-2 tungo sa kanilang tig-anim na panalo.

Sinamantala ng Sharks ang mga error ng Shoe Makers na may kabuuan 11 upang  mamuno sa North Division matapos matalo ng dalawang sunod sa simula ng torneo.

Sa ikalawang laro, isang RBI single ni Saxson Omandac at isang sacrifice fly ni Gabby Baroque na nagbunsod ng dalawang run sa ikalawang inning ay naging sapat na para itala sa panalo ng Dolphins.

Ang mga Unibikers ay naka-iskor lang ng isang run sa 4th inning at gayun din dami sa 9th inning na hindi sapat para maabot pa ang malaking kalamangan ng Dolphins. (ADelaCruz)

Show comments