Matapos ang pagdedepensa ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. sa kanyang suot na world flyweight crown sa Disyembre 2 (Manila), nakatakda namang hamunin ni Filipino challenger Bert Batawang si Mexican world light flyweight titlist Ulises Solis sa Disyembre 8 sa Guadalajara, Mexico City.
Matatandaang ilang beses nang nakakansela ang mga laban ng 35-anyos na si Batawang sa United States hanggang umuwi ito ng Pilipinas noong Setyembre.
Nauna nang itinakda ang laban ni Batawang kay Solis, ang kasalukuyang International Boxing Federation (IBF) light flyweight ruler, noong Setyembre 16 ngunit ito ay nakansela bunga ng injury ng Mexican champion.
Si Filipino challenger Rodel Mayol ang huling tinalo ni Solis, kapatid ni featherweight Jorge Solis na pinatulog ni Filipino boxing hero Manny Pacquiao noong Abril 14, noong Agosto 4 sa All State Arena sa Illinois, USA via eighth round KO.
Isang fourth round TKO naman ang kinuha ng pambato ng Cebu City na si Batawang laban kay Indonesian fighter Sofyan Efendi noon pang February 24.
Iaakyat ni Batawang ang 50-6-0 win-loss-draw ring record kasama ang 34 KOs, samantalang ibabandera naman ng 26-anyos na si Solis ang 25-1-2 (19 KOs).
Hangad ni Batawang na maging pang limang Filipino world boxing champion matapos sina Donaire, bantamweight Gerry Peñalosa at minimumweight Florante “The Little Pacquiao” Condes at Donnie “Ahas” Nietes.
Idedepensa ng 24-anyos na si Donaire ang kanyang suot na IBF at International Boxing Organization (IBO) crown laban kay Mexican challenger Luis Maldonado sa Disyembre 2 sa Connecticut. (Russell Cadayona)