2 Bustamante umeksena
Nagpakitang-gilas ang mga Bustamante sa panimula ng 2007 World Pool championship knockout stage.
Humatak ng magka-ibang panalo sina Francisco ‘Django’ Bustamante at Joven Bustamante kahapon sa Araneta Coliseum patungo sa round-of-32 at manatiling nasa kontensiyon para sa $100,000 papremyo na nakataya sa magkakampeon sa siyam na araw na torneo.
Nabigo si Django sa paunang rack sa table 2 match kontra kay David Alcaide ng Spain, ngunit bumangon ito sa sumunod na 10 racks para iposte ang lopsided na panalo sa race-to-10, final 64 phase.
Nauna rito, nagrally naman si Joven mula sa four-rack deficit upang hatakin ang isang 10-6 panonorpresa kay Dennis Orcollo sa all-Filipino encounter.
Ang dalawang Bustamante ay malayong magkamag-anak, bagamat hindi sigurado si Django, dating No. 1 at kilala sa kanyang mahusay na breaks, kung papaano sila naging magkadugo.
“Hindi ko siya kamag-anak, pero pamangkin na ang tawag ko sa kanya,” wika ng 43-year-old billiards icon mula sa Tarlac. “Pero magaling na `yung bata. Kahit sino kaya niya ng talunin.”
At nang ibalitang tulad niya ay nakasulong din si Joven sa susunod na round natuwang sinabi ni Django na, “E di maganda, dalawa kaming Bustamante na nakapasok”
Kasama ng mga Bustamante, ang dalawa pang Pinoy ang nakapasok sa $400,000 event makaraang dispatsahin ang kanikanilang malalakas na kalaban.
Pinayuko si Jeff de Luna si 21st seed Lee Van Corteza, 10-7 sa isa pang all-Pinoy match, habang sinorpresa naman ni Roberto Gomez si Alex Lely ng Netherlands, 10-1.
Kasalukuyang nakikipaglaban pa habang sinusulat ang balitang ito ang mga bigating Pinoy na sina Efren ‘Bata’ Reyes, Alex Pagulayan, Leonardo Andam, Antonio Gabica, Marlon Manalo, Ramil Gallego, at defending champion Ronnie Alcano.
Nakasama naman ng talunan na sina Orcollo at Corteza na wala na rin sa kontensiyon sina Antonio Lining at Rodolfo Luat.
- Latest
- Trending