Sa kabila ng pananatili ni Mexican Juan Manuel “El Dinamita” Marquez bilang world super featherweight crown, hindi ito naging impresibo para kay Filipino boxing hero Manny Pacquiao.
“Kayang-kaya ko siya kung ganoon lang ang ipapakita niya sa laban namin,” wika kahapon ng 28-anyos na si Pacquiao matapos talunin ng 34-anyos na si Marquez ang 27-anyos na si American challenger Ricardo “Rocky” Juarez via unanimous decision para sa World Boxing Council (WBC) super featherweight championship sa Desert Diamond Casino sa Tucson, Arizona.
Ito ang unang pagtatanggol ni Marquez, may 48-3-1 win-loss-draw ring record ngayon kasama ang 35 KOs, sa kanyang WBC belt na kanyang kinuha mula kay Marco Antonio Barrera noong Marso 17 sa Las Vegas, Nevada.
At kagaya ng inaasahan, gusto ni Marquez na muling makatagpo si Pacquiao sa ibabaw ng lona para sa kanyang ikalawang title defense sa Marso ng 2008.
Sakaling maplantsa ang Marquez-Pacquiao II, ang petsang Marso 15 ang inireserba ng Golden Boy Promotions ni Oscar Dela Hoya. (RCadayona)