Buong pagmamalaking iwawagayway ang bandila ng Pilipinas ngayon sa pagparada ng 79 Filipino athletes na sasabak sa mahuhusay na atleta ng 44 iba pang bansa sa pagsisimula ng Macau 2nd Indoor Games ngayong gabi sa 17,000-seater Macau Stadium.
Ang Philippine delegation na may 117 members ay nandito bilang bahagi ng kanilang preparasyon para sa Southeast Asian Games sa Thailand sa December at bilang mga ambassadors of goodwill na rin sa Palarong ito para sa “Harmonious Society and Fun.”
Ang main Philippine flag ay itataas sa alas-10:00 ng umaga sa Plaza ng Sai Van Lake sa dating Portuguese trading port na natuklasan ng mga Jesuits, kung saan si Philippine Sports Commissioner Richie Garcia, ang chief-of-mission, ang mangunguna sa simpleng ceremonies sa harap ng delagasyon mula sa Nepal at Mongolia na makakatabi ng bandila ng ating bansa.
“We will raise the Philippine flag here with pride and the thought of achieving victories while establishing better friendship and understanding with other nations,” ani Garcia. “Triumph and fair play are the main objectives of these games, but we will not forget that our participation here is also geared towards the coming SEA Games.”
Sa alas-8:00 ngayong gabi, ang bowler na si Markwin Tee, gold medalist sa Manila SEA Games noong 2005, ang magiging flag bearer ng Philippine delegation sa formal opening ceremonies sa Macau Stadium.
Ang ibang miyembro ng delegation ay may flaglets na katerno ng kanilang asul at puting damit na dinisenyo para sa mga atletang isasabak sa kompetisyong ito.
Ang biyahe ng RP athletes ay pinondohan ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee.
Ang Philippines ay may lahok sa aerobic gymnastics (6), bowling (8), chess (8), dance sport (12), sports climbing (4), swimming (6), futsal (14), hoop sepaktakraw (5), muay (5), kickboxing (3) at sa 3-on-3 basketball (4).