CAGAYAN DE ORO City -- Hangad na mailagay ang kanyang probinsya sa international boxing map, inangkin ni Milan Melindo ang bakanteng World Boxing Organization (WBO) Asia-Pacific minimumweight crown matapos patulugin si Naupayak Sakkririn ng Thailand sa fourth round dito sa Mindanao Polytechnic State College.
Isang matinding suntok ang ipinadapo ng 19-anyos na si Melindo sa panga ni Sakkririn sa 2:58 ng fourth round upang isuot ang naturang WBO Asia-Pacific belt.
May perpektong 13-0-0 win-loss-draw ring record ngayon ang pambato ng Puerto, Cagayan De Oro City kasama ang 4 KOs, samantalang nahulog naman sa 6-1-1 ang grado ni Sakkririn, lumabas ng Thailand sa kauna-unahang pagkakataon.
Ang WBO Asia-Pacific minimumweight title ay iniwanan ni Donnie “Ahas” Nietes upang pagharian naman ang WBO minimumweight division makaraang umiskor ng isang unanimous decision kay Pornsawan Kratingdaenggym noong Setyembre 30.
Ang pambato ng Mandaue City, Cebu ang pangalawang Filipino world minimumweight king matapos si Florante “The Little Pacquiao” Condes na namamahala naman sa International Boxing Federation (IBF).
Samantala, inaasahan namang mapaplantsa ang rematch sa pagitan nina WBO bantamweight titlist Gerry Peñalosa at WBO super bantamweight ruler Daniel Ponce De Leon ng Mexico sa Pebrero ng 2008.(RCadayona)