Hiniya ni Nealy ang bagong saltang si Jeff Varem na pumalit kay Anthony Johnson sa pagposte ng 32-puntos, 12-rebounds at 11-assists bukod pa sa dalawang blocks para sa Gin Kings na nagposte ng kanilang ikaapat na sunod na panalo.
Halos dinomina ng Gin Kings ang laban upang duplikahin ang 101-97 panalo sa kanilang unang pagkikita kung saan kinapos lamang ng isang assists si Nealy sa kanyang tinapos na 26-puntos at 13-rebounds para sa triple double, tungo sa kanilang ikawalong panalo sa 10-laro na nagbigay sa kanila ng karapatang muling saluhan ang defending champion Red Bull sa pangkalahatang pamumuno.
Kinana ni Nealy ang 11 puntos sa unang quarter at 12 sa ikaapat na canto ngunit malaking suporta ang ibinigay ng mga locals na sina Ronald Tubid (17), Billy Mamaril (16) Egay Echavez (14) at Jec Chia (10).
Nagpakitang gilas si Varem na kararating lamang sa bansa ngunit hindi sapat ang kanyang produksiyong 16-puntos at 13 rebounds na naglaglag sa Tigers sa ikaanim na talo matapos ang 10-laro.
Iniwanan ng Kings ang Tigers ng hanggang 15-puntos, 52-37 patungo sa huling 1:36 minuto ng second quarter at naibaba lamang ito ng Ginebra sa pitong puntos bago muling dumistansiya sa huling bahagi ng labanan.
Pinangunahan ni John Arigo ang Tigers sa kanyang 24-puntos habang nagsumite naman si Ali Peek ng 15 puntos at 11 mula kay Alex Cabagnot.
Dadako naman ang aksiyon sa Tacloban City kung saan maghaharap ang Sta. Lucia Realty at ang San Miguel Beer sa alas-6:00 ng gabi sa Tacloban Convention Center.
Tangkang makaahon ng Beermen sa pakikisosyo sa kulelat na posisyon sa Welcoat na katabla nila sa 2-7 kartada habang makabawi sa dalawang sunod na pagkatalo ang pakay ng Realtors na may 3-6 win-loss slate.
Naglalaban pa ang Alaska (7-2) at Talk N Text habang sinusulat ang balitang ito kung saan nais ng Aces na muling makisosyo sa liderato. (Mae Balbuena)