Bustamante kampeon sa US Pro Tour

Muling nanalasa si Francisco ‘Django’ Bustamante sa Amerika nang mapagwagian nito ang US Pro Tour Championship makaraang talunin Ang No. 1 ng Amerika na si Johnny Archers sa makapigil hiningang 7-6 panalo sa Normandie Casino sa Los Angeles.

Ipinakita ni Bustamante ang kanyang pagiging 1998 Player of the Year at World’s No.1 nang isa-isa niyang tsugihin ang mga kalaban at manatiling walang talo sa prestihiyosong event na ito tungo sa pagbulsa ng $10,000.

Sa kanyang winner’s bracket showdown kay Mika Immonen, kalmadong ipinasok ni Bustamante ang mga bola tungo sa 7-4 tagumpay laban sa Finn para makakuha ng puwesto makaraan igupo si Archer sa 11-4 kasunod ng 11-4 panalo kay world trick shot champion Fabio Petroni ng Italy.

At sa semis at finals na may race-to-7 alternate break, naipuwersa ni Bustamante ang rematch kay Archer.

Maganda rin ang nilalaro ng American nang biktimahin nito sina Raj Hundal, Robb Saez at Immonen sa losers’ bracket upang muling hamunin si Bustamante.

Lubog na sa 6-2 si Bustamante kay Archer nang bumangon ang Pinoy at muling makabalik sa kontensiyon at maiwang may pressure si Archer nang maitabla ang iskor sa 6-6.

At hangga’t walang major tournament sa Asya, mananatili muna sa Amerika si Bustamante para lumahok sa mga US Circuit.

Ang panalong ito ni Bustamante ay tumabon din sa kabiguan ng crowd favorite at kumpareng Efren ‘Bata’ Reyes na matapos ang 11-10 kabiguan sa opening ay nalaglag na sa losers bracket ngunit hindi na rin nakabangon. (Dina Marie Villena)

Show comments