Walong puntos ang ginawa ni Abarrientos sa fourth quarter upang tuluyang maipagpag ng Gin Kings ang hamon ng Tigers. Ang manlalarong tinaguriang "The Flying A" ay nagtapos nang may 16 puntos, apat na rebounds, apat na assists at limang steals.
Sa unang apat na games ng Gin Kings kung saan si Abarrientos ngayon ang kanilang lead point guard, siya ay nag-average ng 10.25 puntos, limang rebounds, anim na assists at dalawang steals.
Tuloy, marami ngayon ang nagsasabing "Puwede pa si Johnny!" Kasi nga, bago nagsimula ang season, inilaglag ng Tigers si Abarrientos at minabuti ng Coca-Cola na sumandig sa mga baguhang point guards na tulad nina Dennis Miranda at Chris Pacana.
Sinubukan ni Abarrientos na lumipat sa Alaska Aces o Sta. Lucia Realty subalit walang puwang sa line-up nila ang "Flying A."
Kaya naman sa Barangay Ginebra siya napunta. Sa kampo ng Gin Kings ay back-up siya ni Jay-jay Helterbrand na itinuturing ngayon bilang isa sa pinakamahusay na point guards ng liga. Kaya naman si Helterbrand ay kinuha sa National team matapos ang Philippine Cup kung saan nagkampeon ang Gin Kings. At dahil nga naipahiram ng Barangay Ginebra si Helterbrand sa RP squad, si Abarrientos na ngayon ang kanilang lead point guard.
Hindi naman binibigo ni Abarrientos si coach Joseph Uichico.Siyempre, marami rin ang nagsasabing, puwede naman palang gamitin nang mahaba si Abarrientos, bakit hindi ito ginawa noong nakaraang conference.
Well, okay lang naman kay Abarrientos iyon dahil sa naiintindihan niya ang role niya sa Barangay Ginebra. Aminado naman siyang hindi na siya bumabata pa at marami na ring papalit sa kanyang trono.
Marahil nga’y welcome sa kanya ang maikling playing time dahil sa hindi na siya gaanong nabubugbog sa laro. Pero dahil kailangang-kailangan ng Gin Kings na mag-step up si Abarrientos, nagpapaunlak naman siya.
Hinuhugot niya ang lahat ng puwedeng hugutin sa kanyang karanasan upang makipagsabayan sa mga batang point guards. At siguro, parang nakapaghiganti siya sa Coca-Cola noong Huwebes.
Para bang nasabi niya na "Eto ang sa inyo! Pwede pa ako! Nagkamali kayo!"
Kay Johnny pa rin ang huling halakhak!