Pugad ng Agila

Sa isang salu-salo kung saan nakasama ko ang ilang supporters ng Ateneo Blue Eagles ay nagpag-usapan ang performance ng mga alumni nilang kasa-lukuyang naglalaro sa Philippine Basketball Asso-ciation at natural na very proud sila.

Nanghihinayang nga raw sila’t ang San Miguel Beer at Red Bull ay maagang nagharap sa semifinals at hindi sa Finals.

Kasi nga, ang dalawang teams na ito ang siyang may pinakamaraming dating Blue Eagles.

Lima ang Blue Eagles sa kampo ng Red Bull at ito’y sina Enrico Villanueva, Rich Alvarez, Paolo Bugia, Larry Fonacier at Magnum Membrere.

Sa kabilang dako, tatlo naman ang Atenistang manlalaro ng San Miguel Beer at ito’y sina Rodericko Racela, LA Tenorio at Wesley Gonzales.

Sa mga manlalarong nabanggit, tanging si Racela ang kabilang sa mas naunang henerasyon samantalang ang iba’y nagiging magkakampi bago umakyat sa pro league.

Tatlong Blue Eagles pa ang nakatakdang lumahok sa susunod na Draft ng PBA at ito’y sina JC Intal, Doug Kramer at Macky Escalona na pawang natapos na ang playing years sa University Athletic Association of the Philippines at kasalukuyang naglalaro sa Philippine Basketball League (PBL) Silver Cup.

Si Intal ay miyembro ng Harbour Centre na makakatunggali ng Toyota Otis sa Game Five ng semis mamaya kung saan ang magwawagi’y makakaharap ng Hapee Toothpaste-PCU sa Finals. Sina Kramer at Escalona ay naglaro naman sa Cebuana Lhuillier.

So, saan daw mapupunta ang tatlong ito? Malabo daw na kahit sino sa kanila’y makuha ng Red Bull dahil sa walang first round pick ang Barakos sa susunod na Draft.

At baka nga kalabisan na sila sa kampo ng Barakos. Pero kung tatanungin daw ang mga ito kung saan nila gustong maglaro, iba-iba ang kanilang preference.

Minsan nang nakausap ni Kramer si Purefoods Chunkee Corned Beef coach Paul Ryan Gregorio at nasabi niyang nais niyang maglaro sa Giants. Si Intal ay naging practice player naman ng San Miguel Beer kung kaya’t kabisado na niya kahit paano ang sistema ng Beermen at gusto niyang dito maglaro. Si Escalona ay kursunada diumano ng Barangay Ginebra para maging back-up ni Jayjay Helterbrand sakaling tuluyang magretiro ang beteranong point guard na si Johnny Abarrientos.

Iyon lang naman daw ang gusto nila. Pero hindi naman puwedeng mangyari nang basta-basta ang gusto nila dahil sa dadaan nga sila sa Draft kung saan mamimili din ang iba pang koponan.

Pero kahit na saan mapunta sina Intal, Kramer at Escalona, tiyak na may kalalagyan sila at may ibubuga sa PBA. Hinog na hinog na ang mga ito.
* * *
BELATED happy birthday kay dating Mapua Cardinals coach Horacio Lim na nagdiwang ng kanyang kaarawan noong Pebrero 5.

Show comments