Nakabangon na ang Hapee

 Matapos ang tatlong sunod na kamalasan, nakatikim na rin ng panalo ang dating nangungunang Hapee-PCU.

 Ito ay matapos igupo ng mga Teethmasters ang Pop Kings ng baguhang Kettle Korn-UST, 88-73, na nagpalakas ng kanilang pag-asang makasikwat ng isang playoff slot para sa isa sa dalawang outright semifinal ticket ng 2007 PBL Silver Cup kahapon sa Emilio Aguinaldo College Gym sa Taft Avenue.

 Tumipa si Jason Castro ng 16 marka, 8 boards, 3 assists at 3 steals para tulungan ang Hapee-PCU sa pagkubra ng 6-3 rekord kabigkis ang Sista Super Sealants sa ilalim ng nangungunang Mail & More na may 7-2 baraha.

 "Although I’m happy na nanalo na rin kami sa wakas, may mga adjustments pa kaming dapat gawin regarding the system that I want to implement in the team," ani mentor Jun Noel.

Ipinoste ng Hapee-PCU ang isang 25-point lead, 75-50, sa huling 7:23 ng fourth quarter matapos ang isang 3-point play ni Castro kay Japs Cuan ng Kettle Korn-UST, nahulog sa kanilang 0-9 baraha. 

Sa ikalawang laro, isang offensive putback naman ni Doug Kramer mula sa dalawang mintis na freethrows ni Macky Escalona sa huling 10.6 segundo ang nagtawid sa 75-70 panalo ng Cebuana Lhuillier sa Magnolia Dairy Ice Cream.

 Humaltak ang 6’5 na si Kramer ng 18 puntos para iangat ang record ng Moneymen ni Luigi Trillo sa 4-5 sa ilalim ng 4-4 ng TeleTech Titans at kasu-nod ang 2-7 ng Spinners.

Show comments