Matibay na programa ang inilatag ng PSC

Sa pagbabalik sa eksena ni First Gentleman Atty. Mike Arroyo, ang matibay na programa para sa mga national athletes ang kaagad na inilatag ng Philippine Sports Commission (PSC).

Inihayag ni PSC chairman William "Butch" Ramirez na magtutungo sila ni First Gentleman sa ilang bansa upang maghanap ng mahuhusay na sports center na sasanay sa mga Pinoy simula sa Marso ng 2007.

"Aalis kami ni First Gentleman either sa first week or third week of March next year para magpunta sa iba’t ibang bansa at mai-set up na ‘yung training ng mga bata," ani Ramirez.

Mula sa itinatag na FG Foundation ni Atty. Arroyo noong 2005, nakuha ng Team Philippines ang overall championship ng 23rd Southeast Asian Games.

Ang FG Foundation, nakakolekta ng P160 milyon mula sa malalaking negosyanteng naging sandigan ng mga Pinoy para sa kanilang international training at exposure na nagresulta sa pagbulsa ng kabuuang 112 gintong medalya sa 2005 Philippine SEA Games.

Para sa 2007, ilang atleta ng swimming, diving, karatedo, gymnastics, weightlifting at archery ang ipapadala ng FG Foundation, ayon kay Ramirez.

"Matagal na itong nakaplano kasi kaibigan ni First Gentleman ‘yung Sports Minister ng China," sabi ni Ramirez sa pagsasanay ng naturang mga atleta sa China bilang preparasyon sa 2007 SEA Games sa Thailand at sa 2008 Olympic Games sa Beijing, China.

Ang matibay na programa para sa mga national athletes ang magbibigay ng malaking tsansa sa bansa na mapanatili ang overall title sa 2007 Thailand SEA Games pati na ang kauna-unahang gintong medalya sa Olympic Games sa Beijing sa 2008, dagdag ng PSC chief. (RCadayona)

Show comments