Si Angana, sumabak sa men's 55-kilogram freestyle event ng nakaraang 15th Asian Games, ay ipinasok sa Hammad Hospital sa Doha matapos ang isang masamang insidente sa kanyang second round bout sa isang Japanese matman.
"Bago natapos 'yung second round doon siya nagkaroon ng wrong fall at hindi siya kaagad nakatayo," kuwento ni Wrestling Association of the Philippines (WAP) president Vince Piccio sa nangyari kay Angana. "Right there and there, they decided na dalhin na siya sa Hammad Hospital for further treatment."
Dalawang surgeon ang kaagad na tumingin sa kondisyon ni Angana, nabigong makakuha ng medalya sa 2006 Doha Asiad, para matiyak ang kanyang kaligtasan.
"Sabi nu'ng dalawang surgeon, haze lang daw 'yung nakita sa CT Scan ni Jerry at kailangan na lang munang obserbahan," ani Piccio.
"Noong Disyembre 15 pa dapat nakauwi si Angana, lumahok rin sa 23rd Southeast Asian Games subalit hindi nanalo ng medalya, subalit hindi siya pinayagan ng mga duktor," dagdag ng WAP chief.
"Naghanap kami ng mga kababayan nating puwedeng magpatira kay Jerry ng pansamantala. Fortunately, nagmagandang loob naman si Dennis Asuncion para mapatira si Jerry kasama ang kuya niyang si Margarito," ani Piccio.
Inaasahan ni Piccio na makaka-recover kaagad si Angana sa kanyang neck injury para paghandaan ang 24th SEA Games sa Thailand sa susunod na taon. (RCadayona)