Gayunpaman, hindi pa rin magpapahuli ang mga Pinoy at katunayan, sa araw na tagtuyot ang bansa sa pagkuha ng medalya, ang taekwondo ang nakapaglista ng kauna-unahang medalya na bagamat hindi kasing kinang ng ginto ay nagniningning na silver ang kanilang inihandog.
Noong Sabado ng gabi (Linggo ng madaling-araw sa Manila), muling sumungkit ng silver ang Pinoy jins na nagmula kay Tshomlee Go.
Ang kalaban, isang Koreano, sa katauhan ni Ju Young Kim, ang nagwagi ng ginto sa mens 62 kg. class at tumalo sa mas agresibong Pinoy na si Go para sa mailap na ginto.
Ang naunang silver ay nagmula naman kay Marie Antoinette Rivero, na bagamat may iniindang injury ay buong tapang at parang leon na sugatang sinagupa ang Koreanang si Kyung Seon Hwang, 6-1.
Bukod sa silver medals na inambag nina Go at Rivero, may dalawang bronze na rin ang taekwondo mula naman kina Kathleen Eunice Alora at Veronica Domingo.
Hindi rin lahat ay tagumpay para sa Pinoy jins. May anim na hindi nakapasok sa medal bout pero magiting at mainit na nakipaglaban sa kanilang mga karibal.
Hindi naging masuwerte sa kanilang laban sina Japoy Lizardo, Donald Geisler, Alex Briones, Criselda Roxas, Ernesto Mendoza III at Loraine Lorelie Catalan.
Dalawa pang Pinoy jins ang kasalukuyang nakikipaghamok sa kanilang mga kalaban habang sinusulat ang balitang ito. Ito ay sina Manuel Rivero at Kirstie Alora. (DMVillena)