Haharapin ng Bulls ang Air 21 Express ngayong alas-4:35 ng hapon kasunod ang banggaan ng Sta. Lucia Realtors at Purefoods Chunkee Giants sa alas-7:20 ng gabi sa classification phase ng 2006 PBA Philippine Cup sa Ynares Center sa Antipolo City.
Kasalukuyan pa ring hawak ng Barangay Ginebra ang pamumuno sa likod ng kanilang 10-4 rekord kasunod ang Red Bull (10-5), San Miguel (9-5), Sta. Lucia (9-5), Purefoods (8-6), Talk N Text (7-7), Air 21 (6-8), Alaska (5-9), Coca-Cola (4-11) at bagitong Welcoat (3-12).
Ang naturang dalawang sunod na panalo ay pinitas ng Bulls sa Phone Pals, 104-76, noong Huwebes at sa Dragons, 97-78, kamakalawa, samantalang nagmula naman ang Express sa 105-116 kabiguan sa Gin Kings.
Sa bisa ng kanilang two-game suspension, maski ang panonood sa venue ay hindi makukuhang gawin nina Guiao at Talk N Text team manager Frankie Lim dahilan sa patakaran ng PBA Commissioners Office.
Si assistant Gee Abanilla ang muling magmamando sa Red Bull sa ikalawang pagkakataon habang suspendido si Guiao.
Samantala, asam naman ng Realtors na makabawi mula sa kanilang dalawang sunod na kabiguan sa kanilang pakikipagsagupa sa Chunkee Giants.
Nakatikim ang Sta. Lucia ng isang 96-109 pagkatalo sa Talk N Text at 98-113 pagyukod sa San Miguel para sa kanilang two-game losing slump, samantalang naglista naman ang Purefoods ng isang 76-74 paglusot sa Welcoat. (R.Cadayona)