Lumagpas sa timbang ang 26 anyos na kapatid ng sensation boxer na si Manny Pacquiao na si Bobby sa weigh-in kahapon ng higit sa 3 lbs at awtomatikong tinanggalan ng korona.
Gayunpaman, haharapin pa rin ni Bobby si Hector Velasquez sa kanilang nakatakdang 12 rounder sa Hard Rock Hotel. Ngunit kapag nanalo ito idedeklarang bakante ang titulo.
Kung mananalo naman si Velasquez, makukuha niya ang korona at paghihiganti sa kanyang 6th round loss kay Manny sa Staples Center sa Los Angeles noong Setyembre nang nakaraang taon.
At para matuloy rin ang laban, kailangang magbayad ng multa ang kampo ni Bobby. At kung magkano? Ito ay depende sa kanilang kontrata.
Dalawang oras bago ang alas-5 official weigh-in, nagtimbang si Bobby at nalamang sumobra ito sa weight limit at katakatakang hindi ito nalaman ng kanyang mga handlers.
"If they had known in the morning that Bobby was overweight, he could have gone out with Manny, train at the gym and easily lose two pounds," wika ni Freddie Roach.
Si Roach ang tumulong kay Bobby sa pagsasanay sa kanyang Wild Card Gym sa Los Angeles.
Nakakalungkot na sa ganitong paraan mawawala ang korona ni Bobby na kanyang nakuha makaraang humatak ng impresibong panalo kina Carlos Navarro, Carlos Hernandez at Kevin Kelley. (Abac Cordero)