Sinabi kahapon ni POC president Jose "Peping" Cojuangco, Jr. na ang naturang pagtitipon ang siya nang pinakahuling okasyon na pagsasamahan ng buong delegasyon bago ang 15th Asian Games sa Disyembre 1-15 sa Doha, Qatar.
"We are planning to have a send off on November 15. Parang final get together na rin ito ng mga Doha-bound athletes before we depart for the Asian Games," ani Cojuangco.
Ang pagkakaroon ng send off sa Malacañang ay tradisyon na para sa Team Philippines sa tuwing lumalahok sa Olympic Games, Asian Games at SEA Games.
Bukod sa naturang okasyon, plano rin ng POC na magkaroon ng isang motorcade ang unang bulto ng delegasyon na magtutungo sa Doha, Qatar sa Nobyembre 28.
"Theres a move along that line," wika ni Cojuangco sa unang 90 bilang ng mga national athletes na magtutungo sa Doha sa Nobyembre 28. "Iyong malaking delegation na aalis ay medyo imomotorcade natin ng konti para naman matuwa sila."
Ang unang okasyon na dinaluhan ng mga national athletes at coaches ay ang First Friday Mass na idinaos noong nakaraang Biyernes sa Ninoy Aquino Stadium.
Ayon kay Philippine Sports Commissioner Richie Garcia, kung hindi maisisingit ang send off ng Team Philippines sa Malacañang, malamang na gawin na lamang ito sa Ninoy Aquino Stadium. (Russell Cadayona)