Binalikan ng 32-gulang na si Duremdes ang kanyang pormang Most Valuable Player para piliin ng PBA Press Corps Accel-Player of the Week para sa linggong Oct. 23-29.
Ayon kay Duremdes, ito ay dahil sa tiwalang ibinigay sa kanya ng coaching staff ng Sta. Lucia at ng kanyang mga teammates.
"Iyon at pati siguro, iyung kumpiyansa sa sarili ko, kaya bumalik ang laro," sabi ng tubong Koronadal, South Cotabato. "Sana, tuluy-tuloy na ito para maganda naman ang kalabasan ng team."
Ngayong wala nang nararamdamang injury si Duremdes matapos ang dalawang taong nagpabalik-balik ito sa injured list, ipinakita ng produkto ng Marbel, na may ibubuga pa ito.
Sa 102-90 panalo ng Realtors kontra sa Talk N Text noong Sabado sa University of the Assumption sa San Fernando, Pampanga, nagtala si Duremdes ng 17 points sa kanyang 6-of-12 field goal shooting bukod pa sa tatlong rebounds sa 29-minutong paglalaro.
Si Duremdes ang nanguna sa pag-atake ng Sta. Lucia sa ikatlong quarter na naghatid sa Realtors sa 79-65 kalamangan at ang kanyang mga kasamahan ang tumapos ng laro.
Mas naging eksplosibo si Duremdes sa 105-83 panalo ng Sta. Lucia kontra sa Red Bull noong Miyerkules kung saan nagtala ito ng 20-puntos sa 7-of-12 field goal shooting, kabilang ang 5-of-7mula sa arc, at mayroon ding limang rebounds, three assists at isang block sa 23 minutong paglalaro.
"Ganyan naman kasi talaga dito sa team na ito. Kung magpakita ka on both ends of the floor, magtatagal ka sa loob," sabi ni SLR coach Alfrancis Chua. "Ganoon si Kenneth."
Kasalukuyang nasa liderato ang Sta. Lucia taglay ang 5-1 win-loss slate.