Trace Aquatics Center sinira ni ‘Milenyo’

Dahilan sa pananalanta ng bagyong si "Milenyo" noong nakaraang linggo, inilipat ng Philippine Amateur Swimming Association (PASA) ang mga national divers sa Philsports Complex sa Pasig City mula sa tinutuluyang Trace Aquatics Center sa Los Baños, Laguna.

Ito ang pahayag ni Katherine Lozada, diving director ng PASA, hinggil sa kanilang desisyon matapos mapinsala ang pasilidad sa Trace Aquatics Center bunga ng paghagupit ni "Milenyo". 

"Because of the typhoon, hindi na naging trainable for our national divers ‘yung Trace," wika ni Lozada. "Hindi mo talaga makikita ‘yung ilalim ng pool dahil sa putik and some shattered glasses." 

Ang Philsports Complex ang pansamantala munang magiging tahanan ng mga national divers, kinabibilangan ni Southeast Asian Games triple-gold medalists Shiela Mae Perez, habang nililinis pa ang Trace Aquatics Center. 

Magbabalik naman ang mga ito sa maalamat nang Rizal Memorial Swimming Center sa Vito Cruz, Manila para ipagpatuloy ang kanilang paghahanda sa darating na 15th Asian Games sa Doha, Qatar. 

"Hopefully, within two to three weeks mag-normalize ‘yung condition ng pool para makabalik na ‘yung mga divers natin," sabi ni Lozada. 

Bukod sa mga divers at swimmers, naapektuhan rin ang pagsasanay ng mga tracksters, taekwondo jins, judokas, archers, netters at wushu artists sa Rizal Memorial Sports Complex dahilan kay "Milenyo".

 Humigit-kumulang sa P3 milyon ang sinasabing inilatag ng Philippine Sports Commission para sa pagkukumpuni ng mga nasirang pasilidad dahil sa nasabing kalamidad. (Russell Cadayona)

Show comments