Gastos ng Asian Games-bound RP delegation sobra ng P5M

Sumobra na sa P5 milyon ang gastos para sa Philippine delegation na sasabak sa darating na 15th Asian Games sa Doha, Qatar sa Disyembre.

Ito ang siyang inamin kahapon ni Philippine Sports Commissioner Richie Garcia kaugnay sa kakapusan nila sa pondo sa paglahok ng mga national athletes sa 2006 Doha Asiad.

"Iyong budget ng Philippine Sports Commission na P30 million is already short," wika ni Garcia. "Umabot na tayo ngayon ng almost P35 million. So this is what we’ve been saying all along na kapag sumobra sa P30 million we will already have to raise funds from the private sector."

Sa hangaring makapagdagdag ng pondo, nagpadala na sina PSC chairman William "Butch" Ramirez at Philippine Olympic Committee (POC) president Jose "Peping" Cojuangco, Jr. ng liham sa ilang negosyante upang makahingi ng suporta.

Ngunit hanggang sa ngayon,  ayon kay Garcia, ay wala pa ni isang tumutugon sa kanilang sulat.

"Trabaho na ‘yan ng Philippine Olympic Committee at ng Office of the Chef De Mission, pero ang PSC out na doon. Anything more than that, we’ll have to be raise," ani Garcia.

Ang P30 milyong pondong inilaan ng sports commission ay sapat lamang sa 250 hanggang 300 bilang ng delegasyon para sa 2006 Doha Asiad. Subalit ilan sa tigalawang atleta sa ilang sports bilang token entries ang nakaapekto sa pondo, paliwanag ni Garcia. (Russell Cadayona)

Show comments