Bagamat tatlo sa tinaguriang Dirty Dozen ng Pilipinas ang nalaglag na para sa pag-asinta sa $50,000 premyo (P25 million) sa $3Million event na tinatampukan ng pagkatalo ng pinakamahuhusay na cue masters ng daigdig, siyam na Pinoy pa rin ang nakasama sa 51 kabuuang players sa huling 60 stage na hinati sa 12 grupo na may tig-limang players at ang top three ang aabante sa ikaapat na round.
Tinalo ni Bustamante, na sariwa pa sa tagumpay sa panimula ng World Cup of Pools, katambal si Efren Bata Reyes, sina Nick Van Den Berg, 8-7, Carl Morris, 8-2 at Ben Nunan, 8-2, Hung Mingchu, 8-5, at Tang Hoa, 8-2, para manguna sa Group 66.
Kabilang din si Alex Pagulayan, 2004 world 9-ball champion, na pumangalawa kay Tony Robles sa Group 53 na may tatlong panalo at si Reyes, na muntik nang mabulilyaso, na kumamada ng tatlong panalo at pumangalawa kay Chris Melling sa Group 44.
Nagposte naman ng tig-apat na panalo sina Ramil Gallego, Dennis Orcollo at Antonio Lining sa kani-kanilang grupo para umusad habang sina Ronnie Alcano, Rodolfo Luat at US-based Jose "Amang" Parica ay nahirapan muna bago makausad sa susunod na round na ang mga players ay nakasisiguro na ng $15,000 premyo.
Si Luat, winner ng recent San Miguel Asian Tour leg,ay may dalawang panalo lamang ngunit nakalusot sa third round makaraang igupo sina Michael Zimmerman at Thomas Kennedy para sa huling puwesto sa Group 58.
Gayunpaman tatlong Pinoy naman ang hindi sinuwerte kabilang na si IPT North American 8-ball Open runner-up Marlon Manalo, na may isang panalo lamang sa Group 42, Warren Kiamco sa Group 41 at US-based Santos Sambajon sa Group 47.