Binalikat nina Sherrilyn Carillo at Con Con Legaspi ang opensa ng Lyceum sa pagposte ng pinagsamang 43 hits, kabilang ang 35 mula sa kills nang kumpletuhin ng Lady Pirates ang kanilang pananalasa mula sa sixth place ay bumaba sila sa third place upang makasama ang Far Eastern U at San Sebastian na kapwa naglista ng apat na panalo matapos ang pitong laro na naghatid sa Intramuros-based netters na masungkit ang ikalima at huling semis slot sa susunod na round.
Isinara ng Lady Eagles ang kanilang kampanya sa single round elims taglay ang 1-6 kartada sa torneong ito na ipinipresinta ng Shakeys Pizza at suportado ng Accel, Mikasa, ABC-5 at ABC Sports.
Bunga nito, makakasama ng Lady Pirates ang La Salle na taglay ang imakuladang 6-0 kartada at Adamson na mayroong 5-1 win-loss slate na kasalukuyang naglalaban habang sinusulat ang balitang ito, Far Eastern U at San Sebastian sa semis na isang double-round robin phase kung saan dadalhin nila ang kani-kanilang mga kartada sa prelims.
Magbabalik ang semi-final round sa June 3 sa Blue Eagle Gym kung saan ang presyo ng ringside tickets ay ibinaba sa P50 at ang upper box ay P30. Libre naman ang pagpasok sa general admission, ayon sa organizing Sports Vision.
Hindi basta-basta naging madali ang landas na tinahak ng Lady Pirates sa kanilang panalo.
Matapos na umalagwa sa dalawang unang set, naging malamig ang Lyceum sa sumunod na set na naging daan upang dominahin naman ng kalaban at naiwanan sila ng 12-point sa final canto.
Nakalubog sa 4-16, sumandig ang Ateneo sa mga balikat nina Michelle Laborte, na nagpakawala ng mahusay na net game taglay ang kanyang matikas na blocking at matutulis na spikes upang trangkuhan ang Lady Eagles sa pag-atake at makalapit sa 20-22.
Gayunpaman, agad ding bumangon sina Legaspi, at Carillo upang basagin ang depensa ni Laborte sa bisa ng kills.