Pinangunahan ng Dynamic Duo na sina Danny Ildefonso at Danny Seigle ang Beermen katulong si Dorian Peña sa pagkamada ng 20-point performance tungo sa ika-anim na sunod na panalo ng Beermen at ikawalo sa kabuuang 10-laro upang lalong maging matatag sa pangkalahatang pamumuno.
Tumapos si Seigle ng 26-puntos na sinundan ng 23 ni Ildefonso at 22 ni Peña habang nagsumite rin ng double digit sina Dondon Hontiveros na may 16-puntos at Brandon Lee Cablay na may 14 points, 12 nito ay sa ikaapat na kumperensiya para ipalasap sa Air21 ang ikatlong sunod na talo at ikapito sa kabuuang 10-laro.
"The boys just prepared hard and practice hard. They just took it upon themselves because they dont want to happen what happened in the last conference," pahayag ni Jong Uichico patukoy sa maagang pagkakasibak ng Beermen sa nakaraang kumperensiya.
Buhat sa 67-pagtatabla ng iskor sa third quarter, 18-7 run ang pinakawalan ng Beermen para dumistansiya sa 85-74 at lalo silang lumayo sa ikaapat na canto sa pamamagitan ng 23-10 produksiyon para sa 24-puntos na kalamangan, 108-84 papasok sa huling mahigit tatlong minuto ng labanan.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang Coca-Cola (6-2) at Purefoods Chunkee (5-3). (Carmela Ochoa)