Nabigong humarurot sa dalawang naunang yugto ng taunang event na ipiniprisinta ng Philamlife, ipinamalas ni Espiritu ang kinakatakutang porma at humakot ng 42 points sa 30-lap race, kabilang na ang 10 sprint lap points, upang banderahan ang pangunahing mens elite at 23-under division.
Pumangalawa naman si Reynante ng GHQ-HSC-UCAP, na may 39 points habang pumangatlo naman si Bernard Luzon na may 36 points sa event na inorganisa ng Treo Sales and Management Corp. at ginaganap sa kooperasyon ng SM City Clark.
Sa ibang resulta, naungusan ni Roel Gendrano ang mga kalaban sa masters category nang umiskor ng 47 points sa 24 laps na higit sa 23 puntos ni ipinoste ni Edison Duran habang pumangatlo naman ang beteranong si Placido Valdez na may 14 points.
Si Ninoy Boliser ang nanaig sa 24-lap youth division, pumangalawa si Rodolfo Malangsa at ikatlo si Jeffrey Caritativo. Dinomina naman ni Arnel Avis ang executive class sa event na suportado din ng Pagcor, PCSO, Aktivade Thirst Quencher, Monterey, Air21, PhilCycling, Partas at Philippine Sports Commission. Pumangalawa si Leian Cruz at ikatlo si Eric Carandang. Ang fourth leg ay gaganapin sa April 8 sa Clark, Pampanga habang ang fifth leg ay sa May 27 sa San Fernando, Pampanga.