Guidelines at criteria para sa Asian Games buo na

Nabuo na ang guidelines at criteria para sa pagpili ng mga atletang ilalahok sa darating na 15th Asian Games sa Doha, Qatar sa Disyembre.

Sinabi kahapon ni Philippine Sports Commissioner Richie Garcia, co-chairman ng binuong Asian Games Task Force, na isusumite nila ang kanilang napagkasunduan kay Philippine Olympic Committee (POC) president Jose "Peping" Cojuangco, Jr. sa Biyernes.

Ayon kay Garcia, tanging si Cojuangco lamang ang maaaring makaalam kung anong guidelines at criteria ang siyang gagamitin para sa pagsasala ng mga atleta patungo sa 2006 Doha Asiad.

"We cannot reveal what we have discussed in our meeting kasi gusto munanaming maibigay ito sa POC for formality. We don’t want to preempt the POC regarding this matter," ani Garcia.

Inaasahang papasa sa naturang kriterya ang 113 gold medal winners sa nakaraang 23rd Southeast Asian Games.

Matapos pag-aralan ng POC ang nabuong guidelines at criteria ng Task Force, ipapasa naman ito sa POC Executive Board sa Marso 15 para sa posibleng final approval."

Ang POC lang naman ang dapat mag-decide kasi kami sa PSC hanggang funding lang kami," wika ni Garcia.

Madedetermina rin sa desisyon ng POC Executive Board kung gaano kalaki ang gagastusin ng PSC para sa paglahok ng RP delegation sa 2006 Doha Asiad. (Russell Cadayona)

Show comments