Nagdesisyon ang pamunuan ng Purefoods na isauli ang 6-foot-5 na si Se sa Express matapos nilang madiskubreng may dipirensiya ito sa kaliwang tuhod.
Natuklasan ng Purefoods na hindi pa rin maayos ang tuhod ni Se na nagkaroon ng ACL (anterior cruciate ligament) tear. Isinailalim na ng Air21 si Se sa operasyon ngunit hindi naayos ng husto ang kanyang injury.
Noong nakaraang linggo, nakipagkasundo ang Air21 sa Purefoods kapalit ng second round draft pick para sa susunod na season.
Nakapagensayo na si Se kasama ang buong koponan ng Purefoods at kasama pa ito sa guesting sa noontime show na Eat Bulaga kung saan nakibahagi sila sa Bulagaan portion.
Kasabay na nai-trade ng Air21 ni Se si Wesley Gonzales noong nakaraang linggo sa San Miguel kapalit ng future draft picks.
Magsisimula na ang Gran Matador All Filipino Cup sa Linggo kung saan bubuksan ng Air21 at Coca-Cola ang kumperensiya sa alas-4:10 ng hapon sa Araneta Coliseum.
Susundan naman ito ng engkwentro ng Alaska at San Miguel sa alas-6:30 ng gabi.
Samantala, kasalukuyang niluluto ang isang three-way trade upang madispatsa ng Ginebra si Rommel Adducul at Raffi Reavis ng Coca-Cola.
Sa ilalim ng PBA rule, hindi maaring direktangmagpalitan ng player ang mga koponang nasa ilalim ng San Miguel Corporation na kinabibilangan ng Beermen,Coke, Ginebra at Purefoods. (Carmela Ochoa)