Minalas si Salvador

Noong nakaraang Lunes ay tinalakay natin ang pagsadsad ng laro ni Jondan Salvador sa semifinals at sa unang dalawang laro ng finals ng San Mig Coffee PBA Fiesta Conference. Puwes, natuwa tayo at ang mga fans ng Purefoods Chunkee Corned Beef nang bumawi si Salvador sa Game-Three at Game-Four ng best-of-seven championship series sa pagitan ng Giants at ng Red Bull barako.

Dahil sa pagkakabawi ni Salvador ay nagwagi ang Giants sa dalawang larong ito upang itabla ang serye. Hindi lang siya umiskor at kumuha ng rebounds kundi dumepensa pa ng maayos laban kina Enrico Villanueva at James Penny.

Pero pansamantala lang pala ang kasiyahang nadama ng Giants at ng mga fans nila.

Kasi, sa Game Five ay nagtamo ng injury si Salvador. Pitong minuto lang siyang nakapaglaro dito at pagkatapos ay nabangko na.

Na-twist ang tuhod ni Salvador habang nag-attempt siya ng fastbreak lay-up at hinahabol ni Villanueva. Masama ang pagkakabagsak niya at nangitim ang ugat sa kanyang tuhod.

Iyon na ang naging huling game ni Salvador sa Finals. Sa Game Six ay naupo lang siya sa bench ng Giants nang balot na balot ang tuhod. Hindi siya ginamit ni coach Paul Ryan Gregorio. Naging palamuti lang pala siya. Kumbaga’y pinag-uniporme at pinaupo sa bench para makita ng Red Bull at kahit paano’y maisip na baka sakaling ipasok siya.

Pero sa pagtatapos ng laro ay iika-ikang lumabas si Salvador na nakasaklay. Nakatakda na pala siyang operahan sa tuhod kinabukasan. Mayroon pala siyang torn anterior cruciate ligament at inoperahan siya sa St. Luke’s Hospital noong Sabado.

Malaking kawalan para sa Purefoods si Salvador lalo’y iisipin na nang kunin ng Giants ito sa Draft ay maraming nagsabing siya ang "Steal of the Draft." Sabi nga, siya ang hahalili kay Alvin Patrimonio dahil magkapareho nga sila ng posisyon.

Ngayon ay mami-miss siya ng Purefoods sa susunod na anim na buwan habang nagpapagaling siya at nagpapalakas ng tuhod.

Pwede pa ngang higit sa anim na buwan siyang magbakasyon. Hindi na siya makapaglalaro sa All-Filipino Conference na magsisimula sa Marso 5 at malaking kawalan iyon para sa Giants.

Sa tutoo lang, sa Fiesta Conference Finals ay dehado na sa tao ang Purefoods. Matapos na ipamigay sina Michael Hrabak at Eddie Laure ay hindi kaagad nailagay sa active list si Rey Evangelista kung kaya’t 11 lang ang kanilang locals players. Bago nagsimula ang Finals ay nagtamo ng injury si Peter June Simon kung kaya’t bumaba sa sampu ang active locals ng Giants. At nawala nga si Salvador.

Medyo minalas ang Purefoods sa homestretch.

Kaya nga naalala tuloy namin ang sinabi ng isang kaibigan naming coach. Kahit daw gaano kahuhusay ang players ng isang team, kahit na gaano kaganda ang preparasyon para sa isang conference, lahat ng ito’y mababalewala kapag nagtamo ng injury ang mga manlalaro. Ito ang hindi kontrolado ng isang coach, isang team o ng mismong manlalaro.

Tadhana na ang nagdidikta dito!

Show comments