Ayon kay PTA president Robert Aventajado, hihintayin muna nila ang pahayag ng WTF at ng SEAGF kaugnay sa pagiging positibo ni Singson sa diuretics, isa sa mga banned substance ng World Anti-Doping Agency (WADA).
"As far as the taekwondo association is concerned, wala kaming ibinibigay na sanction kay Esther as of the moment," wika kahapon ni Aventajado. "Hinihintay pa namin yung advice ng World Taekwondo Federation."
Isinumite na ng PTA ang kanilang posisyon sa WTF at sa SEAGF hinggil sa problema ng 18-anyos na si Singson.
"Dalawang issues yan actually. Iyong sanction sa taekwondo federation at tsaka yung gold medal na puwe-deng bawiin ng Southeast Asian Games Federation," ani Aventajado.
Dalawang linggo bago ang 23rd Southeast Asian Games, uminom si Singson ng isang slimming tea upang makapasa sa weight limit na 55-kilogram matapos bumigat ng 57-kg.
Ang diuretics, hindi iki-nukunsiderang performance-enhancing drug, ay kahalo sa slimming tea na ininom ni Singson.
Umaasa si Aventajado na hindi mapaparusahan ng WTF si Singson, ngunit posible namang bawiin ng SEAGF ang gold medal ng naturang taekwondo jin. (R.Cadayona)