Nakatakdang ilabas ng Philippine Sports Commission (PSC) sa susunod na linggo ang pondong P9 milyon para sa mga head coaches na gumiya sa mga atleta sa pagbulsa ng kabuuang 113 gold, 82 silver at 94 bronze medal sa nakaraang 23rd Southeast Asian Games.
Sa pagtutulungan ng mga national athletes at coaches, tinanghal na overall champion ang Team Philippines sa SEA Games sa kauna-unahang pagkakataon.
"Medyo nahirapan kasi kami sa pagdedetermine kung anong amount ang dapat matanggap ng isang coach," dahilan ni PSC Commissioner Jose Mundo kahapon. "Iyong iba kasi dalawa o tatlong athletes ang hawak, kaya hindi namin malaman kung magkanong incentive ang dapat ibigay sa kanya."
Kabuuang 106 coaches, ayon kay Mundo, ang tatanggap ng naturang cash incentives mula sa sports commission base sa Republic Act 9064.
"Kung sino lang yung mga coaches na na-certify ng mga athletes natin, sila lang ang maaaring tumanggap ng cash incentives," wika ni Mundo.
Ang bawat insentibong makukuha ng isang atleta sa SEA Games ay may 50% ang coach.
Kabilang sa mga coaches na inaasahang makakatanggap ng malaking insentibo ay sina Pinky Brosas ng swimming, Rommel Khong ng diving at Vic Dequilla ng dragon boat race. (R.Cadayona)