Masagana ang Pasko ng RP athletes

Isang Masaganang Pasko ang naghihintay para sa mga national athletes na pumitas ng me-dalya mula sa nakaraang 23rd Southeast Asian Games.

Ayon sa Philippine Sports Commission (PSC), naisumite na nila sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang mga pangalan ng mga gold, silver at bronze medalists sa naturang biennial event para sa inilatag na insentibo.

Sa Republic Act 9064, nakasaad na ang mga gold medal winners ay tatanggap ng insentibong P100,000, habang ang mga silver at bronze medalists ay bibigyan ng P50,000 at P10,000, ayon sa pagkakasunod.

Ang mga gold medalists naman sa team events ay makakakuha ng P200,000, samantalang ang mga silver medalists ay mabibigyan ng P100,000 at P50,000 para sa mga bronze medalists.

"I’m sure it will be a very Merry Christmas for all our medalists kasi baka bago mag-Pasko matanggap na nila ‘yung mga incentives nila," wika ni PSC Executive Director Atty. Guillermo Iroy.

Ang PAGCOR ang siyang magpapaluwal ng pondo para sa insentibo ng mga atletang sumikwat ng medalya mula sa 2005 SEA Games.

Sinabi ni Iroy na posibleng mailabas ang humigit-kumulang sa P20 milyong insentibo ng mga atleta sa Disyembre 19, habang ang mga head coaches ay tatanggap naman ng P2 milyon.

Nauna rito, tinupad ni First Gentleman Atty. Mike Arroyo ang kanyang pangakong Hong Kong trip para sa mga gold medalists kung saan nakatakda silang umalis sa Disyembre 19. (R. Cadayona)

Show comments